MANILA, Philippines - Pinaghahanda ni dating Energy Secretary Carlos Jericho Petilla ang mga Filipino, lalo na sa parteng Mindanao, sa pagpasok ng El Niño na inaasahang magpapahaba sa panahon ng tagtuyot sa bansa.
Dahil sa mahinang pag-ulan, tiyak aniyang maaapektuhan ang mga pananim at maging produksyon ng kuryente sa mga hydropower plants na umaasa sa daloy ng mga ilog at tubig-ulan.
Sa Kapihan sa Manila Bay sa Luneta Hotel, Maynila, nanawagan si Petilla sa mga kooperatiba ng kuryente, mga mamimili at maging power generation companies na masusing bantayan ang kapasidad ng mga planta sa Mindanao bilang paghahanda sa epekto ng El Nino.
“Kailangan ng malawakang paghahanda para sa El Nino dahil ito’y inaasahang tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2016,” aniya.
Sinabi ni Petilla na ‘di sapat na umasa ang Mindanao sa alokasyon ng tubig para sa power generation dahil prayoridad ng National Water Resources Board (NWRB) ang tubig-inumin at agrikultura at Ikatlo lamang umano sa listahan ang hydropower plants
Dahil dito, sinabi ng dating kalihim na dapat ngayon pa lang ay maghanda na ang mga electric cooperatives na humanap ng mga alternatibong pagkukunan ng kuryente upang maiwasan ang rotational brownouts.
Pinayuhan din ni Petilla ang sambayan na magtipid sa kuryente at sundin ang mga power saving tips tulad nang pagbababa sa temperatura ng mga air conditioners sa 25 degrees Celcius at ang ‘di pag-aaksaya ng kuryente.