MANILA, Philippines - Iinagurahan ni Pangulong Aquino ang bagong Iloilo Convention Center (ICC) sa susunod na linggo na inaasahang aakit lalo ng maraming turista at dagdag trabaho sa mga Ilonggo.
Mismong Pangulo ang mangunguna kasama si Senate President Franklin Drilon sa inagurasyon ng ICC sa darating na Lunes.
Naniniwala ang mga Ilonggo na lalong dadagsa ang turismo at lilikha ng maraming trabaho ang bagong 2-storey na ICC na nasa Business Park sa Manduria district na itinayo ng Megaworld na may 3,000 kataong capacity.
Sinabi ng mga negosyante na ang bagong ICC ay magiging tiket ng Iloilo para maging pangunahing pagdarausan ng mga convention at events sa buong Western Visayas region.
Ang bagong ICC ay mayroong unique na architectural design ng pamasong Ilonggo architect na si William Coscolluela na inspired ng Paraw, na isang native sailboat sa Visayan region habang ang glass wall naman nito ay itinatampok ang abstract design ng Dinagyang festival at ang mga indigenous stones naman nito ay ginamit sa façade at interior ng gusali.
Ang ICC ay proyekto ni Sen. Drilon na naging instrument sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Iloilo.
Sinabi ni Sen. Drilon, hindi lamang ang mga Ilonggo ang makikinabang sa bagong ICC kundi ang iba pang katabing mga bayan dahil sa lilikhain nitong karagdagang trabaho.