MANILA, Philippines - Maaari nang lagyan ng speed limiter ang mga public utility vehicles (PUVs) para maiwasan ang over speeding na nagiging dahilan ng mga aksidente sa lansangan.
Ito’y matapos aprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 5991 o Speed Limiters Act.
Nakasaad sa panukala na bukod sa PUVs lalagyan din ng speed limiter ang shuttle services, closed vans, haulers, cargo trailers at tankers bago makapagparehistro ang mga ito sa Land Transportation Office (LTO) o bago mabigyan ng prangkisa ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Sa pamamagitan ng speed limiter, hindi makakapagpatakbo ng masyadong mabilis ang mga driver dahil calibrated at kontrolado na ang bilis ng kanilang sasakyan.
Nakasaad pa sa panukala na pagmumultahin ng P50,000 ang driver at operator o may-ari ng mga sasakyan na walang speed limiter o may speed limiter subalit hindi naman gumagana.
Bukod dito sususpindihin din ang lisensya ng mga driver sa loob ng isang buwan sa unang paglabag, tatlong buwan naman sa ikalawang paglabag at tuluyang pagbawi ng lisensiya kung umulit sa ikatlong pagkakataon.
Ang prangkisa naman ng sasakyan ay masususpinde ng mula tatlong buwan sa first offense hanggang tuluyang suspendihin ito ng isang taon kung magpaulit-ulit ng paglabag.
Sinumang magta-tamper ng speed limiter ay maaaring makulong ng hanggang tatlong taon at may kaakibat pang multa na P30,000.