MANILA, Philippines - Dapat gawin ng batas ang pagtatakda ng sahod sa mga bus at jeepney drivers kasabay ng pagbuwag sa boundary system.
Sa House bill 6087 na inihain ni Committee on Metro Manila Development Chairman Rep. Winston Castelo, sinabi nito na ang boundary system ang isa sa mabigat na dahilan ng mga aksidente at problema sa trapiko lalo na sa urban areas dahil naggigitgitan ang mga bus at jeep para makakuha ng pasahero at masigurong mapupunuan agad ang boundary.
Panahon na umano para magkaroon ng fixed income ang mga driver ng bus at jeep na medyo mas mataas kumpara sa standard wage.?Paniwala pa ni Castelo na magiging masunurin ang mga driver sa batas trapiko sa ganitong sistema at mas magiging disiplinado at may kortesiya sa lansangan ang mga ito.
Kung may fixed income ang mga bus at jeepney drivers, maaari na rin umanong itakda ang working hours ng mga ito dahil wala nang hahabuling boundary.
Nakasaad pa sa panukala na regular working hours na tulad ng ibang empleyado ang itatakda para sa bus at jeepney drivers at kung may gustong mag-overtime ay pagbibigyan lamang itong mag-OT ng dalawang oras kada araw.