MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay pinaghahanda na ng gobyerno at simbahan ang paparating na El Niño kasabay ang panawagan sa publiko sa magtipid na sa paggamit ng tubig.
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, nakaamba ang matinding tagtuyot na mararanasan mula ngayong buwan.
Una nang sinabi ng PAGASA na iiral ang katamtaman hanggang malakas na El Niño ngayong Setyembre, Oktubre at Disyembre hanggang sa unang bahagi ng 2016.
Magdudulot ng tagtuyot sa ilang lalawigan habang bababa ang lebel ng tubig sa mga dam. Kasama sa daranas ng tagtuyot ang Aurora, Quezon, Laguna, Camarines Norte, Catanduanes at Bohol dahil sa topograpiya at lokasyon habang mararamdaman ang mas mainit na panahon sa matataas na lugar sa Luzon at Mindanao.
“Sa ngayon ay pinag-aaralan ang mga opsyon at hindi pa naman talaga pumapasok doon sa kritikal na panahon. Inaasahan na ‘yung malubhang senaryo ng El Niño na ang manipestasyon ay ‘yung matinding tagtuyot sa mga food producing areas natin, ito ay makikita sa loob pa ng balance of September at ng last quarter of the year and going into the first quarter of 2016,” paliwanag pa ni Coloma.
“Pinaghahandaan ito pero hindi naman kailangang maligalig ang ating mga mamamayan. Kailangang maging handa na magtipid sa paggamit ng tubig dahil nga pumapasok tayo dito sa sitwasyon na maaaring maging matindi ‘yung El Niño, at marami pang ibang mga action measures na pinag-aaralan patungkol naman doon sa pagtitiyak na meron tayong sapat na supply ng pagkain at ito ay maaaring makuha ng ating mga mamamayan sa rasonableng halaga,” dagdag ni Coloma.
Ganito rin ang panawagan ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo sa publiko.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na kinakailangan pangalagaan ng publiko at ng industrial sector ang kalikasan upang hindi matapon at masayang lamang ang tubig.