MANILA, Philippines – Daang overseas Filipino workers sa Hong Kong ang sumugod sa Konsulado ng Pilipinas at nagsagawa ng kilos-protesta laban sa Bureau of Customs dahil sa anila’y abusong pagbubuwis at inspeksyon sa mga balikabayan boxes.
Pinangunahan ang protesta ng Network of OFWs Opposed to Excessive Government Fees (NO Fees) coalition, Migrante-Hong Kong, Bayan Hong Kong at Macau upang ipanawagan ang anila’y hindi makatarungang panggigipit sa mga manggagawang Pinoy abroad.
Nagsimula ang protesta alas-11 ng umaga sa Cahter Road at sama-samang nagmartsa patungo sa Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.
Ayon kay Connie Bragas-Regalado, ng Migrante International, isa sa kanilang hiling ay baguhin ang P600-milyong target na koleksyon sa mga balikabayan boxes ng mga OFWs.
Sinabi ni Regalado na apektado ang mga OFWs sa P600-M target collection ng BOC na nagiging dahilan ng pagkakalkal o pagbubukas nila sa mga balikbayan boxes at pagpapatupad ng kung anu-anong buwis dito.
Dahil dito, hiniling ng mga OFWs sa Hong Kong ang agarang pagbibitiw ni Customs Commissioner Alberto Lina na siyang nagpalabas ng direktiba na buksan ang mga balikbayan boxes at buwisan.
Bilang protesta, isinagawa ng mga OFWs sa ibat ibang panig ng mundo ang “zero remittance”.
Bukod dito, isinusulong ng mga OFWs ang “zero vote” campaign laban sa mga kandidato ng administrasyon sa nalalapit na halalan kapag binalewala ng gobyerno ang kanilang demand.