MANILA, Philippines – Hindi alam ng Malacañang kung saan nanggaling ang isyu ng harassment umano ng gobyerno laban sa Iglesia ni Cristo na kabilang sa dahilan upang maglunsad ng rally ang INC sa Edsa.
Nilinaw kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na dapat pagtuunan muna ng pansin ang sitwasyon sa ngayon katulad ng ginagawang rally at ang reklamo laban sa ilang miyembro ng INC tungkol sa kanilang pamunuan.
Lumutang sa social media na hina-harass umano ng gobyerno ang INC at ginagamit ang kasong nakasampa sa Department of Justice upang mapilitang suportahan ang kandidatura ni Sec. Mar Roxas sa 2016.
Ani Valte, wala pang nagiging aksiyon ang DOJ sa reklamo at hindi rin niya tiyak kung aatasan ng Pangulo si de Lima na makipag-dayalogo sa INC.
Tumanggi namang magkomento ang opisyal sa mga pulitikong mistulang sumasakay sa isyu ng INC para makakuha ng suporta ng Iglesia sa darating na halalan.
Tinanong kahapon si Valte kaugnay sa pahayag ni Sen. Grace Poe na dapat magpaliwanag si de Lima sa kaso ng INC.
“We will not any more comment on… we would rather not comment on statements coming from politicians on the matter,” ani Valte.