MANILA, Philippines - Habang papalapit ang halalan sa Mayo 2016 ay wala pa ring linaw ang magiging tugon ni Sen. Grace Poe sa alok ni Pangulong Aquino na tumakbong Bise Presidente ng manok nitong si Mar Roxas.
“Hindi pa po siya nagpapasiya at titignan natin,” sabi ni Roxas sa panayam.
Binalikan din ni Roxas ang simula ng pagsasama ni Poe at ng Pangulo. “Kung maaalala niyo ay nagtiwala po tayo at ikinampanya po natin si Senadora Grace nung 2013. Siya po ay sumakay doon sa Team PNOY. Inaasahan nating magpapatuloy ang samahan,” kuwento ni Roxas.
Sinagot din ni Roxas ang posibilidad na kumalas na si Poe sa Daang Matuwid. “Kung hindi na po niya gusto na sumama sa Daang Matuwid at iba po ang landas niya na tatahakin, irerespeto rin po natin yun,” sabi niya.
Inamin din ni Roxas na sinabihan na siya ni PNoy na paghandaan ang labang parating, kasama man si Poe o hindi.
Hiningi din ang reaksyon ni Roxas sa isang lumulutang na survey na sinasabing pangatlo pa rin siya sa labanan. “Ang pinakaimportante na survey ay yung survey sa Mayo. Lahat ng mga survey na ito ay pansamantala sa kapanahunang ito at inaasahan nating pagdating ng Mayo ay mangingibabaw ang Daang Matuwid.”