MANILA, Philippines – Sa ikawalong sunod na taon ay si Henry Sy pa rin ang pinakamayaman sa Pilipinas, ayon sa Forbes magazine list ng 50 richest Filipinos.
Ang shopping mall mogul na si Sy ay may $14.4 bilyon net worth kung saan tumaas pa ito kumpara sa $12.7 bilyon niya nitong nakaraang taon.
"At age 90, Henry Sy, the country’s richest man, still is chairman of his retail and property juggernaut SM Prime Holdings," ayon sa Forbes.
Umakyat naman sa ikalawang pwesto si John Gokongwei Jr. na may $5.5 bilyon net worth mula sa $4.9 bilyon.
Bumaba naman sa $4.5 bilyon ang net worth ni Andrew Tan ng Alliance Global Group Inc. mula sa $5.1 bilyon nitong 2014 ngunit nasa ikatlong pwesto pa rin siya.
Mula sa ikalawang pwesto ay nasa ikaapat na lang si Lucio Tan na may $4.3 bilyon, habang nasa baba niya si Enrique Razon Jr. na may $4.1 bilyon.
Kabilang din sa top 10 sina George Ty ($4 bilyon), Aboitiz family ($3.6 bilyon), Jaime Zobel de Ayala ($3.5 bilyon), David Consunji ($3.2 bilyon) at Tony Tan Caktiong ($2.2 bilyon).