MANILA, Philippines – Hindi ikinababahala ng Malacañang ang plano ng grupo ng overseas Filipino workers' group (OFW) na magdeklara ng "No Remittance Day" sa Agosto 28 bilang protesta sa Bureau of Customs (BOC).
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na nirerespeto nila ang karapatan ng mga OFW na magpahayag ng kanilang saloobin.
"Noon naman ay walang naiulat na masamang epekto ito. Kaya kung 'yon ang pagbabatayan ay tila wala naman tayong dapat ikabahala hinggil dito," wika ni Coloma ngayong Miyerkules tungkol sa ginawang “No Remittance Day” noong 2013.
Sa kabila nito ay pinaalalahanan ng palasyo ang mga OFW na isaalang-alang ang kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas.
"'Yon namang pagpapadala ng kinita, kung tutuusin natin, ay personal na pagpapasya ng bawat manggagawa at ang kanilang pinagpapadalhan ay ang kanilang mahal sa buhay—pamilya na tinutustusan, sinusuportahan, at binibigyan ng kalinga," banggit ng tagapagsalita.
"Kaya sa kanilang pagpapasya isasaalang-alang nila na, kung ano man pagpapahayag ng kanilang saloobin, kailangan pa rin nilang maiparating 'yung mga remittance na 'yon. Maaaring maantala ito ng isang araw pero hindi naman siguro ito nila iniisip na huwag ipadala," dagdag niya.
Ang grupong Migrante ang napabalitang maglulunsad ng "No Remittance Day" bilang protesta sa buwis na ipinapataw sa mga balikbayan box at maging ang naging manu-manong pagsusuri ng BOC sa mga ito.