MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ng Malacañang na sisiyasatin ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga reaksyon at reklamo na natatanggap ng Bureau of Customs hinggil sa bago nitong regulasyon na buksan at inspeksiyunin ang mga balikbayan box.
“Nakatanggap kami ng maraming open letter at messages sa pamamagitan ng Facebook, email. Tinitipon namin ang mga ito at tinitiyak naming ibibigay ito kay Pangulong Aquino,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang panayam sa Radyo ng Bayan. “Titiyakin din namin na ang kanilang mga reklamo ay ipapadala rin kay Custom commissioner Bert Lina.”
Pinasalamatan ng opisyal ng Malacañang ang mga Overseas Filipino Worker na nagbigay ng reaksyon sa bagong patakaran ng BOC sa mga balikbayan box. Personal niyang tiniyak na ang mga komento at reklamo ay makakarating sa Pangulo.
Hinikayat ni Valte ang publiko na ipagpatuloy ang pagpapadala ng mga feedback para malaman ng Customs ang kanilang mga ikinababahala hinggil sa bagong regulasyon.
“Kung meron kayong reaksyon sa bagong regulasyong ito ng BOC, ipadala n’yo lang. Ang ating pamahalaan ay may maraming account sa social media. Ang Presidente ay merong Twitter account, Official Gazette. Ipagpatuloy lang ang pagpapadala,” sabi pa ni Valte.
Para masawata ang smuggling, binalaan ng BOC noong nakaraang linggo ang mga OFW na huwag abusuhin ang kanilang balikbayan privileges na nagpapahintulot sa kanila na magpadala ng regalo o pasalubong na may halaga lamang na USD 500 at bubuksan ang mga kahon. Ikinagalit ito ng mga OFW, ng mga mambabatas at ibang mamamayan na nababahala sa kanilang mga kagamitan.
Nilinaw naman ni Valte na hindi naman mga OFW lang ang tinututukan sa bagong regulasyon ng BOC.
Inaasahang isasampa ngayong Lunes nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate sa House of Representatives ang isang resolusyong magpapaimbestiga sa panukalang gustong buksan at buwisan ng Bureau of Customs ang mga balikbayan boxes.