MANILA, Philippines - Kinumpirma na ni board Member Michael C. Fermin na tatakbo siya bilang kinatawan ng unang distrito ng Bulacan sa Kongreso sa darating ng halalan.
Sinabi ni Fermin, na nagsilbing pangulo ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Calumpit taong 1995, na isusulong niya ang reporma sa SK na hanggang sa ngayon ay naka-pending sa Kongreso.
“Marami sa mga tanyag na lider ng bansa ay nagsimula bilang SK chairman o kagawad, kaya tutol tayo na buwagin ito. Ang dapat ay reporma para maging epektibo itong kasangkapan ng paglilinang ng kakayahan ng ng mga kabataan bilang lider,” sabi ni Fermim.
Sumusuporta rin si Fermin, na nagtapos ng abogasiya, sa anti-political dynasty. Sa katunayan, sinabi niya na isa sa mga makakalaban niya ay ang anak ni Bulacan Gov. Willy Alvarado.
Ganunpaman, nagpahayag ng kumpiyansa si Fermin na “magiging matalino ang mga botante sa darating na halalan at makapipili ng isang lider na may kakayahan at track record at may mabuting layunin para sa bayan.”
“Ang labanan ngayon ay hindi apelyido, kundi plataporma. Ano ba ang ihahain mo para sa bayan? Kung apelyido mo lang ang pwede mong ipagmalaki, ang tanong ng taumbayan, ‘makakain ba namin iyan?’” sabi ni Fermin.
Kabilang sa mga ipapriyoridad ni Fermin ang pagkakaloob ng out-patient care program sa ilalim ng Philhealth.
Kabilang din sa nais tutukan ni Fermin ang implementasyon ng probisyon sa batas na awtomatikong nagkakaloob ng iskolarsyip sa mga anak ng mga kagawad ng barangay, gayundin ang pag-aalis ng limit ng edad sa pagtatrabaho.
“Matagal nang problema ng mga naghahanap ng trabaho ang patakaran ng mga kumpanya na ‘this job is for 35 years old and below only.’ Isa itong malinaw na diskriminasyon sa karapatan ng ating mga kababayan na dapat ay matagal nang ipinagbawal sa batas,” sabi ni Fermin.