MANILA, Philippines - Maituturing na special accommodation ang desisyon ng Korte Suprema na pahintulutang magpiyansa si Sen. Juan Ponce Enrile.
Sa kanyang dissenting opinion, nababahala si Associate Justice Marvic Leonen na maghudyat ito ng panahon ng “selective justice” kung saan ang mga desisyon na pagbabasehan ay hindi na batay sa legal provisions kundi batay sa human compassion.
Ang mas masaklap, maaring bahain ang mga trial court at Sandiganbayan ng mga motion to fix bail na ang batayan ay humanitarian considerations.
Sa ganitong pagkakataon, kinakailangang magdesisyon ang mga lower court kung ang piyansa ay dapat bang igawad nang dahil sa edad o karamdaman o kung ang ganito bang pribilehiyo ay ipatutupad lamang sa mga senador at dating pangulo na inaakusahan ng pandarambong at hindi sa mga akusado sa drug trafficking, multiple incestous rape, serious illegal detention at iba pang krimen na may katapat na parusa na reclusion perpetua.
Para kay Leonen, ang desisyon ng mayorya sa Korte Suprema ay taliwas sa Rule of Law at maglalagay sa panganib sa legitimacy at katatagan ng buong judicial system.
Nanindigan din si Leonen na walang grave abuse of discretion sa panig ng Sandiganbayan nang ibasura nito ang hiling na makapagpyansa si Enrile lalu pa’t ang kundisyon ng kanyang kalusugan at humanitarian consideration ay hindi naman kasama sa argumentong inilahad ng senador sa kanyang mosyon.