MANILA, Philippines – Dapat nang idaan sa shame campaign ang mga kongresistang pala absent upang maging masipag sa pagdalo ng sesyon.
Sinabi ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga, suportado niya ang panawagan na ilathala ang pangalan ng mga kongresistang tamad magtrabaho sa plenaryo.
Suhestiyon pa ng kongresista, dapat araw-araw ilathala sa mga pahayagan ang pangalan ng mga kongresistang wala sa sesyon para alam ng publiko kung ano ang attendance record ng kanilang halal na kinatawan sa kongreso.
Para kay Barzaga, hindi katanggap-tanggap na gamiting palusot ng mga kongresista ang kanilang trabaho sa distrito sa bawat pag-absent sa sesyon sa plenaryo.?
Kaya umano Lunes hanggang Miyerkules lamang ang kanilang sesyon ay dahil inilalaan talaga ang Huwebes at Biyernes sa pag-uwi ng mga kongresista sa kanilang lalawigan o mga lugar para sa kanilang district work.
Sa nakalipas na mahigit tatlong linggo ay walang quorum ang Kamara kaya kahit ang Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region ay ni hindi halos umusad ang period of interpellation.
Noong Martes at Miyerkules lamang ng nakaraang linggo nagkaroon ng quorum subalit mabilis ding nag-alisan ang mga kongresista sa plenaryo kaya naudlot din ang debate sa BBL.