MANILA, Philippines – Pumunta kahapon sa Naga City si Pangulong Noynoy Aquino upang makiisa sa pagdiriwang ng ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni dating DILG Secretary Jesse Robredo.
Kasama ni PNoy ang halos buong gabinete at ang pamilya ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo.
Pagkatapos ng isang misa at wreath-laying sa puntod ni Jesse Robredo ay tumungo sa City Hall ng Naga si PNoy para sa isang multi-sectoral forum. Sa kanyang talumpati ay nagpasalamat si Cong. Robredo kay PNoy at kay DILG Sec. Mar Roxas, na ibinunyag niyang matagal at matalik na kaibigan ng kanyang yumaong asawa.
Hinimok rin ni Cong. Robredo na gunitain ang alaala ng kanyang asawa sa pamamagitan ng paghalal ng mga lingkod bayan na matalino, mahusay at may puso para sa taumbayan.
Nabanggit pa ng isang konsehal ng Naga na “probably the next Vice President” si Congresswoman Robredo. Maugong ang usap-usapan hindi lamang ang anibersaryo ni Jesse Robredo ang pakay ng Pangulo at ng kanyang Gabinete ngunit para kausapin na rin si Cong. Leni para maging running mate ni Roxas para sa halalan sa 2016.
“Kilala natin si Leni. Ipinaglaban niya ang nasa laylayan ng lipunan, kasama si Sec. Jess. Tinuloy niya ang adbokasiya. Ngayon, naisasakatuparan na ang mga pangarap,” sabi ni Roxas. Pinuri naman niya ang maybahay ni Robredo. “Malinaw na may kakayahan, malinaw na may karanasan. Malinaw na kabahagi ng Daang Matuwid,” patuloy niya.
Tumanggi naman ang kalihim na bigyan ng timetable ang anunsyo kung sino ang kanyang running mate. “Hindi natin ito minamadali,” iwas niya.