MANILA, Philippines – Sa kabila ng 23 pagdinig na umabot sa isang taon at sapat na upang isama sa slot ng Guinness Book of World Records, wala pa rin umanong saysay at hindi kapani-paniwala ang ginagawa ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Binay, wala umanong naidulot na mabunga at makabuluhan ang Senado sa pag-iimbestiga ng overpricing ng Makati City Hall Building II.
“Sa isang taon na kung anu-anong pinaggagawa, wala naman pong credible o kapani-paniwala, at pulos haka-haka at mga kasinungalingan ang napagsabi-sabi dito ho sa pagharap sa Senado,” ani Binay sa isang panayam sa Bombo Radyo.
Sinabi ni Binay na hindi na siya nagtataka na sa susunod na mga pagdinig na itinakda sa Agosto 20 at 26 ay magpiprisinta uli ang Senado ng testigo na may palsipikadong dokumento tulad aniya ng mga iniharap at mga kasinungalingan ni dating Makati Vice Mayor Mercado.