MANILA, Philippines – Sinabihan ni Senador Grace Poe si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na huwag na siyang hintayin nito sa pagdedesisyon hinggil sa halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Sinabi iyon ni Poe nang magkita sila ni Roxas at pormal na hiniling nito sa kanya noong Linggo ng gabi na kumandidato siyang bise presidente nito.
Kinumpirma rin ni Roxas na nagkausap sila ni Poe at pormal niyang inalok ito na maging running mate niya sa 2016 elections.
“Nagkita kami ni Senator Grace, maayos ang aming pag-uusap. Sa mga detalye ay sa amin na muna iyon,” wika pa ni Roxas matapos ang distribusyon nito ng 204 light patrol jeeps sa Laguna. Aniya, mayroon pa sila muling itinakdang pagkikita ni Poe at ang mahalaga daw ay nasimulan na ang kanilang pag-uusap.
Kasama ni Sen. Poe ang kanyang mister na si Neil Llamanzares sa pakikipag-usap kay Roxas kamakailan.
Inilarawan pa ni Roxas ang sitwasyon nila ngayon ni Sen. Poe tulad ng “AlDub” loveteam nina Alden Richards at Yaya Dub sa Eat Bulaga. “Parang si AlDub lang yan e, hashtag may tamang panahon. So mangyayari at mangyayari yan sa tamang panahon,” wika pa ng kalihim.
Sa isang ulat sa ABS-CBNNews, kinumpirma ni Poe na pormal na siyang inalok ni Roxas na maging running mate nito.
Ayon kay Poe, sinabi niya kay Roxas na marami pa siyang pinag-iisipan. Bagaman hindi siya tahasang tumanggi, sinabihan niya ang kandidatong presidente ng Liberal Party na huwag na siyang hintayin sa pagdedesisyon.
“Sabi ko nga sa kanya, marami ka namang pagpipilian,” dagdag ng senadora. “Nasa sa kanila na ‘yon kung maghihintay sila Ako’y nagpapasalamat na bukas ang kanilang pinto, pero hindi ko hinihikayat na maghintay sila kung ito’y labag sa kanilang plano at kanilang loob.”
Idiniin ni Poe na hindi madaling magdesisyon kung tatakbong presidente sa eleksyon sa 2016 o kung tatanggapin ang alok na maging kandidatong bise presidente ni Roxas. “Hindi po ito love team. Ito po ay kung ano ang makakatulong sa bayan,” sabi pa niya sa mga reporter kahapon. “Ang desisyon na ito ay makakaapekto sa mas marami nating kababayan.”