MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng grupong Guardians ang umano’y patuloy na anomalya sa Bureau of Customs (BoC) na sangkot ang ilang tiwaling opisyal nito.
Sa isang pulong kahapon sa Pasay City, isiniwalat sa media ni dating Customs intelligence officer na si Dr. Chrisler Cabarrubias at confederation chairman din ng Guardians International na may 89 container vans na pawang hindi umano deklarado ang mahigit dalawang linggo ng nakabinbin sa BoC.
Nabatid na ang grupo ni Cabarrubias ang nagbigay ng mga impormasyon sa isang naval intelligence officer, na pansamantala munang hindi pinabanggit ang pangalan hinggil sa umano’y talamak na smuggling sa naturang ahensiya.
Dahil dito, ipinag-utos ni BoC Commissioner Bert Lina na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagkakadawit umano ng matataas na opisyal ng ahensiya na anya’y sumisira sa matuwid na daan ni Pangulong Aquino.
Nakatakda ring dumulog sa DOJ at Senado ang grupong Guardians upang ibulgar ang umano’y anomalya sa Customs.