CGMA nanghihina, kailangang maoperahan

Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Philstar.com/File photo

MANILA, Philippines - Malaki ang ibinagsak ng pangangatawan ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa dinaranas nitong sakit kaya kailangan nito ng panibagong operasyon.

Ayon kay dating Candaba Mayor Jerry Pelayo, nanghihina ang dating pangulo dahil hindi naman ito nasisikatan ng araw habang nasa hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Wika pa ni Pelayo, ang advice ng kanyang mga doctor ay sumailalim muli ito sa panibagong operasyon subalit hindi naman ito pinahihintulutan na makalabas ng bansa para sa kanyang medical treatment.

Sinabi din ni Dra. Lyde Magpantay, rehabilitation medicine, nahihirapan si Mrs. Arroyo sa paglulon ng pagkain, nakakaramdam na din ito ng matinding kirot at nakakaramdam na rin ng pamamanhid sa mga braso nito.

Maging si Vice-President Jejomar Binay ay ikinagulat ang pagbagsak ng katawan ng dating Pangulo na sobrang payat nang magkita sila sa burol ng matandang kapatid ni Mrs. Arroyo na si Arthur Macapagal sa Heritage Park.

Hiniling din ni Pelayo kay Pangulong Aquino na bisitahin nito si Mrs. Arroyo sa VMMC upang makita nito ang tunay na kondisyon kung saan ay kinakaila­ngan na talaga ang medical attention.

“Let’s not wait for GMA to succumb to her illness while she’s at the hospital,” giit pa ni Mayor Pelayo kaugnay sa serious health condition ni Mrs. Arroyo.

Show comments