Isinampa ng market vendors: Graft vs Erap, Isko, konseho

MANILA, Philippines – Sinampahan ng rek­lamong katiwalian sa Tanggapan ng Ombudsman ang mga opisyal ng pamahalaan ng Maynila kaugnay sa kuwestiyunable umanong pagpasok sa joint project sa pribadong kumpanya para sa privatization ng mga palengke sa lungsod.

Kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang inihain ng Manila Federation of Public Market Vendors Association, Inc. laban kina Ma­yor Joseph “Erap” Ejercito Estrada, Vice Mayor Isko Moreno, mga konsehal at secretary to the ma­yor, city legal officer, city treasurer, city planning and development officer, city engineer, at maging mga board members ng Marketlife Management and Leasing Corporation, Inc., (MMLC) sa pamumuno ni Carlos Ramon V. Baviera, ang president ng kumpanya; Patrick Herlihy; Rolando A. Evangelista; Jacques Ian S. Lee at Joseph Michael D. Lagman.

Nag-ugat ito sa di­umano’y iligal at maano­malyang transaksiyon sa pagitan ng mga opis­yal at kumpanya o ang joint venture agreement para sa mga palengke ng Maynila, na inumpisahan noong nakalipas na buwan sa Quinta Market sa Quiapo.

Bukod sa kasong graft, lumabag din umano si Estrada at naturang mga lokal na opisyal sa Government Procurement Reform Act nang mai-award ng mga ito sa MMLC ang proyekto.

Ani Peredo, nagsabwatan ang mga respondents at ang kumpanya sa pagpasa ng City Council Ordinance No.8346.

Kinukuwestiyon dito ang pag-aaward ng P250 milyon na kontrata sa MMLCA na hindi dumaan sa due process at public bidding at walang idinaos na public consultations.

Sa kanilang impormasyon, napakalaki ng kontrata na P250M kum­para sa pagtaya na nasa P3,125,000 ang paid-up capital at working capital ay P85-M lamang.

Nabatid din na ang pag-aaward ng kontrata ay naisagawa noong Oktubre, na ayon sa record umano ng Security and Exchange Commission (SEC) ay nairehistro lamang ang MMLCA noon lang Nobyembre 2014.

“Pinagsasamantalahan lamang nila yung mga Manilenyo, wala syang pinagkaiba sa da­ting Mayor na si Mayor Lim. Kung dati yung Maynila ang ibinaon sa utang, ngayon naman ang mamamayan ng Maynila ang pinahihirapan nya at ibinabaon sa utang,” pahayag ni Peredo.

Show comments