MANILA, Philippines – May simpleng payo si Senadora Grace Poe sa mga kabataan para sa 2016 presidential elections: Piliin ang susunod na lider na may integridad.
“Ang titingnan ninyo, ano ba ang integridad ng tao, ano ba ang naibigay ng tao para sa amin. At ito ba ay may kinakatakutan, at ito ba ay tapat sa atin?” pahayag ni Poe sa International Youth Day celebration kung saan inimbitahan siya bilang speaker.
Sabi pa nito sa mga kabataan, mas mahalaga pa rin na piliin ang susunod na lider ng bansa na makakatulong sa bayan at walang kasalanan sa bayan.
“Importante rin na kung sinuman ang pipiliin nila, ito ang mga tao na makakatulong sa ating bayan, may paninindigan, walang kasalanan sa bayan,” sabi pa ng senadora.
Kahapon, binuweltahan ni Poe ang kanyang mga kritiko na kumukuwestiyon sa kanyang citizenship.
Ayon sa senadora, mas mabuting atupagin na lang ng kanyang mga kritiko ang pagdepensa sa kanilang mga kaso sa halip na pagdiskitahan ang kanyang pagiging tunay na Filipino.
Hindi man direkta pero halatang pinasasaringan nito ang kampo ni Vice President Jejomar Binay na nahaharap sa iba’t ibang kaso dahil sa isyu ng katiwalian.
“Marami rin silang issues na kasalanan sa bayan na dapat ma-eksplika kung sila ba’y inosente o hindi,” sabi ni Poe.
Kumpiyansa din ito na mababasura lang ang kinakaharap na reklamo nito sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Subalit hindi aniya muna nila ilalantad ang mga hawak na ebidensya dahil posibleng gamitin rin ito ng kanyang mga kalaban sa pulitika.