MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng programang modernisasyon ng edukasyon sa Taguig, sisimulan nang itayo bukas (Aug. 12) ang IT rooms “cyberlabs” sa pitong pampublikong eskwelahan sa iba’t ibang bahagi ng siyudad.
Dahil dito, makukumpleto na ang proyektong cyberlab sa lahat ng 34 pampublikong eskwelahan sa Taguig.
Lubos ang kasiyahan ni Mayor Lani Cayetano na nakumpleto na rin ang lahat ng eskwelahan sa proyektong ito na kanyang sinimulan noon pang 2012.
“Alam natin kung ano ang halaga ng kaalaman sa IT sa panahon natin ngayon. Sa pangangailangan lang ng mga IT experts sa BGC, at sa magbubukas na development sa FTI, sigurado na sa trabaho ang ating mga mag-aaral,” ani Mayor Lani.
Sisimulan na bukas ang mga cyberlabs sa mga paaralan ng Kapitan Eddie Reyes Elementary School- Palar Annex, Dr. Artemio Natividad Elementary School, Eusebio C. Santos Elementary School, C. P. Tinga Elementary School, Maharlika Elementary School, Daanghari Elementary School, at Bagong Tanyag Elementary School.
Kasama na sa curriculum ng siyudad ang paggamit ng cyberlabs para sa mga IT-related subjects. Dagdag pa ni Mayor Lani, kumpleto ang bawat cyberlab ng mabibilis na computers, kasama na ang monitor, CPU, keyboard, mouse at iba pang parapernalya.
May kasama rin itong projector at nakapaloob sa airconditioned na kwarto. “Tayo ay tumaya at nag-invest dito sa ating cyberlabs. Pero hindi mababayaran ang taas ng kalidad ng edukasyon at ang kinabukasan na kaagapay nito,” ani Mayor Lani.
Ang ilan sa mga IT programs na ibinibigay ng lungsod ay ang mga sumusunod: web design, personal computer operations, hardware troubleshooting, computer programming, digital arts, animation, photoshop, graphics design, web programming at digital movie making.
Kasama ng lokal na pamahalaan sa proyektong ito ang Computer Assisted Learning (CAL).