MANILA, Philippines - Isinampa na kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang 3rd batch ng mga sangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ‘pork’ scam kabilang ang ilang kaalyado ni Pangulong Aquino.
Kahun-kahong mga dokumento ang dinala kahapon ng umaga ng NBI sa Ombudsman laban kina Sen. Gregorio “Gringo” Honasan; Tesda Director General at ex-CIBAC Partylist Rep. Joel Villanueva; Manila Rep. Amado Bagatsing; Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez; La Union 1st district Rep. Victor Francisco Ortega; dating Zamboanga del Sur Rep. Isidro Real Jr.; Abono Party list Rep. at dating Pangasinan 6th district Rep. Conrado Estrella III; dating Abono Partylist Rep. Raymund Estrella at dating La Union 1st district Rep. Manuel Ortega.
Nahaharap sa mga kasong malversation of public funds, bribery at graft and corruption ang mga opisyal na sinasabing naglustay ng pondo gamit ang bogus na organisasyon ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles.
Sinasabing nakatanggap ng P1.75 milyon si Honasan, P600,000 kay Bagatsing, P45 milyon sa nakatatandang Estrella, P22.68 milyon kay Raymond Estrella.
Tumanggap din umano ng P14.35 milyon si Manuel Ortega, P9.59 milyon kay Victor Francisco Ortega, P3.25 milyon kay Real, P2.09 milyon kay Rodriguez at P2.3 milyon kay Villanueva.
Sinasabi sa report ng NBI na ang mga nabanggit na indibidwal ay posibleng nakagawa ng malversation of public fund through negligence.
Inireklamo rin ang mga staff ng mga mambabatas at pinuno ng mga ahensya ng gobyerno kabilang na NABCOR, TRC AT NLDC na ginamit para maisakatuparan ang PDAF scam operations.
Natagalan ang pagrereklamo sa ikatlong grupo dahil na rin sa giit ng mga ito na palsipikado ang kanilang mga lagda sa mga dokumento sa pagpapatupad ng kanilang mga pork barrel.
Paliwanag ng NBI, walang naging epekto sa resulta ng imbestigasyon ang findings ng Questioned Documents Division ng NBI na nagsasabing peke ang lagda ng ilang mambabatas na kasama sa PDAF case.
Lima mula sa siyam na personalidad sa 3rd batch ang nagpa-eksamen ng kanilang lagda sa QDD ng NBI.
Lumitaw sa pagsusuri ng QDD na hindi tumugma sa specimen signatures nina Villanueva, Conrado Estrella, Rodriguez at Victor Francisco Ortega ang pirma na nakita sa ilang mga dokumento sa PDAF. Patuloy pang inieksamen ang lagda ni Bagatsing.
Pero giit ng NBI, ang findings sa pekeng lagda ay hindi conclusive at hindi kasama sa pinagbatayan ng inihaing reklamo sa Ombudsman.
Ang depensa sa pekeng lagda ay mas akma rin umanong idulog sa Sandiganbayan sakali mang magpasya ang Ombudsman na iakyat ang reklamo sa anti-graft court.
Dagdag pa ng NBI, sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code ang malversation ay maari ring maisakatuparan sa pamamagitan ng negligence o pagpapabaya. Ibig sabihin ang lagda ng mga mambabatas ay hindi na mahalaga para patunayan kung kanilang pinayagan ang misappropriation o maling paggamit ng pondo ng gobyerno na ipinagkatiwala sa kanila.
Sa ngayon, sasalang na sa imbestigasyon ng Field Investigation Office ng Ombudsman ang kaso laban sa siyam na opisyal. Sakaling makitaan ng probable cause, iaakyat ang reklamo sa preliminary hearing. (Dagdag ulat nina Butch Quejada at Rudy Andal)