MANILA, Philippines – Isang bagong modus ang nabuking matapos madakip ang isang babae na nagpapakilalang contractor ng mga proyekto sa Parañaque City hall para umano makapanloko, kung saan ay umabot na umano sa mahigit P400 milyon ang nakulimbat ng suspek mula sa nasabing raket.
Kaugnay nito ay nagbabala sa publiko si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez matapos madakip ang suspek na kinilalang si Mary Angelaine L. Martirez ng BF Resort Village, Talon, Las Pinas City base na rin sa reklamo ng kanyang mga biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na bahagi ng modus ng suspek na magpakilalang taga city hall at kapag nakuha na niya ang tiwala ng mga biktima ay sasabihin niyang may proyekto siyang nakuha sa city hall at kailangan niya ng kasosyo doon.
Karaniwan niyang target ang mga maliliit na proyekto na sa totoo ay hindi naman umaabot sa milyon ang halaga at madali lang ma-download sa website ng city government ang mga detalye.
Matapos i-download ay ipi-print niya ang form kung saan ay doon niya palalakihin ang halaga ng proyekto, halimbawa mula sa 500 libo piso ay palalabasin niya na P5 milyon o mas mataas pa ang halaga ng kontrata.
Pagkatapos noon ay kakausapin niya ang mga biktima at idideklara niya na napanalunan na niya ang “proyekto’’ at aalukin niya ang mga ito na makisosyo sa kanya sa pangakong kikita ng higit sa 30 porsiyento ang kanilang ibinigay na puhunan.
Dahil sa matamis niyang pananalita ay napapaniwala niya ang mga biktima na ang iba nga ay namuhunan pa ng higit sa 5 milyon ang bawat isa.
Para mapaniwala at lalo pang makumbinsi ang mga ibang nagdududang biktima ay sinasabi pa niya na inaanak siya sa kasal ni Mayor Olivarez kaya naman lalong marami ang nabiktima niya.
Niliwanag naman ni Mayor Olivarez na walang direktang kaugnayan sa city hall ang suspek at hindi rin ito empleyado katulad ng pakilala niya.
Sinabi pa ni Mayor Olivarez na mismong siya pa ang tumawag kay NBI Director Virgilio Mendez noong Hulyo 27, para hilinging mag-imbestiga matapos makarating sa kanya ang balita nang masamang gawain ng suspek.
“Kaya hinihiling ko sa publiko na iulat agad sa aking tanggapan ang mga ganitong iligal na gawain at iba pang kinauukulang awtoridad upang madakip agad ang iba pang mga miyembro ng sindikatong ito” wika pa ni Mayor Olivarez.
Idinagdag pa niya na maaari ngang isa sa napakaraming inaanak niya sa kasal ang suspek “pero hindi aniya ibig sabihin nito ay may lisensya na siya para gumawa ng masama”.
“Bilang Ama ng lungsod ay bukas ang pintuan ng aking tanggapan sa sinumang nais kumausap sa akin bilang bahagi ng aking transparent leadership at pinagbibigyan ko rin ang karamihan sa humihiling na kunin nila akong ninong sa kasal” dagdag pa niya.