MANILA, Philippines – Papasok ngayong Miyerkules sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si supertyphoon Soudelor.
Oras na pumasok si Soudelor sa PAR ay tatawagin itong Hanna.
Ayon sa PAGASA, si Soudelor ay may lakas ng hangin na umaabot sa 210 kilometro bawat oras at pagbugso na aabot sa 245kph.
Bagamat si Soudelor ay isang supertyphoon, hindi naman ito magtatagal sa bansa dahil pagpasok sa PAR ay tutungo agad sa direksiyong papuntang Taiwan.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall sa anumang bahagi ng bansa ang bagyo, asahan nang uulanin ang Mindanao at Visayas area simula Martes hanggang ngayon.
Mararanasan sa Visayas ngayong Huwebes ang pinakamalakas na pag-ulan sa pagbaybay ng bagyo sa PAR habang uulanin din ang Katimugang Luzon pagsapit ng Huwebes at Biyernes.
Posibleng sa Huwebes maging makulimlim na sa Metro Manila at Biyernes naman makararanas ng mga pag-ulan hanggang Sabado.