MANILA, Philippines – Ayaw nina Batangas Gov. Vilma Santos at Albay Rep. Leni Robredo na tumakbo bilang bise presidente ng bansa sa darating na 2016 national election.
Sa ginanap na pagtitipon sa Gloria Maris Restaurant sa Greenhills, San Juan, kahapon bilang pagpapakita ng suporta sa kandidatura ni LP standard bearer Mar Roxas ay sinabi nina Ate Vi at Cong. Leni na wala silang plano at ambisyon na kumandidato sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Gayunman ay nagpapasalamat sina Ate Vi at Cong. Leni sa mga nagbigay ng konsiderasyon sa kanila bilang bise ni Roxas, pero sadyang ayaw nilang paghandaan ang posibleng alok sa kanila.
Sinabi ni Ate Vi, mas nais pa niyang kumandidato sa Kongreso sa darating na halalan kaysa maging bise ni Roxas.
Ayon naman kay Cong. Leni, marami pa siyang dapat gawin sa kanyang mga constituent sa Bicol kaya mananatili muna siya sa kongreso at kung sakali man ay sa Senado.
Aniya, bagito pa lamang siya sa usapin ng karanasan sa pulitika na first term pa lamag bilang congresswoman ng Albay.
Sina Ate Vi at Cong. Leni ay kapwa nakasuot ng itim na damit na kapwa nagyakapan noong sila ay magkita sa pagtitipon.