MANILA, Philippines - Tiniyak ng Department of Health na hindi expired ang pamurgang gamot sa mga estudyante sa idinaos na nationwide deworming ng ahensya, kasama ang Department of Education (DepEd), sa mga pampublikong paaralan sa bansa kamakalawa. Ang paniniyak ay ginawa ni Health Secretary Janette Garin sa harap ng ulat na 400 public school pupils ang isinugod sa mga pagamutan, matapos na makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka makaraan silang uminom ng mga gamot na pampurga. Sinabi ni Dr. Garin na sinuri na nila sa lahat ng sources at natiyak na bagong deliver lahat ng gamot na ibinigay nila sa mga estudyante. Dumaan din aniya ang lahat ng gamot na ginamit sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA) bago ipinamahagi sa mga bata.