MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang inilaang P50 milyong halaga ng pamahalaan para sa paglalagay ng dambuhalang relo ng Philippine Athmospheric Geophysical and Astronomical services Administration (PAGASA) sa harap ng gusali ng ahensiya para maipamalas sa publiko ang tamang oras sa bansa.
Sinabi ni George San Mateo, national president ng Piston, sobrang laki ng laang pondo ng pamahalaan para sa isang dambuhalang relo gayung hindi naman anya ito higit na kailangan.
Mas maganda sana kung nailaan na lamang ang pondo sa mga gastusin para maisailalim sa rehabilitasyon ang Plate Making Plant ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, QC upang sanay mailibre na sa mga car owners ang iniisyu ngayong plaka ng ahensiya na may halagang P450 kada sasakyan.
“Kung nailaan pa yan sa rehabilitation ng plate making plant mas madami pa sana ang nakinabang sa pondo nayan, sobrang laking halaga niyan para lamang sa relo pero kung ginamit yan sa planta ng pagawaan ng plaka sa QC, milyong car owners ang makikinabang bukod sa dagdag na trabaho yan sa mga tauhan ng planta na ngayon ay nakatunganga lamang at walang ginagawa,” pahayag ni San Mateo.