MANILA, Philippines – Isinumite na kahapon ng Malakanyang sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang pambansang budget para sa 2016 na nagkakahalaga ng P3.002 trillion.
Nangunguna sa listahan na mabibigyan ng pondo ang DepEd na P435.9 bilyon, pangalawa ang DPWH P394.5 bilyon, pangatlo ang DND P172.7 bilyon, DILG P154.5 bilyon, DOH 128.4 bilyon, DSWD P104.2 bilyon, DA P93.4 bilyon, DOTC P49.3 bilyon, DENR P25.8 bilyon, DOST P18.6 bilyon at DOF P55.3 bilyon.
Sa nasabing panukala, bumaba ng 3.8% ang pondo ng DSWD kumpara sa P108.3 bilyon ngayong taon samantalang sa kabila ng mga batikos dahil sa pangit na serbisyo ng train syatem sa bansa ay nakaltasan ng 17% ang pondo sa susunod na taon ng DOTC kumpara sa P59.4 bilyon alokasyon para sa taong ito.
Nangako naman si House Speaker Feliciano Belmonte na sasailalim sa masusing pagsisiyasat ang nasabing panukala kahit na naisumite ito ng mas maaga ni Budget Secretary Butch Abad.
Itinakda ang unang deliberasyon ng panukala sa Committe on Appropriations sa Agosto 10.
Itinanggi naman ni Abad na may nakasingit na pork barrel sa pambansang budget dahil idineklara na umano itong labag sa batas ng Korte Suprema.