MANILA, Philippines – Nagpahayag kahapon ng suporta ang Quezon City Eye Center sa panawagan ng Philippine College of Physicians na imbestigahan at parusahan ang mga doktor na nandadaya sa mga false claim sa PhilHealth.
Gayunman, sinabi ng QCEC na dapat isagawa nang maingat at merong due process ang naturang imbestigasyon.
Sinabi ni QCEC Medical Director Dr. Edgardo Aguirre na siya at ang kanyang institusyon ay laging sumusuporta sa anumang pagsisikap na kalusin ang mga tiwali sa kanilang propesyon.
Pero arbitraryo anya umano ang ginawa ng PhilHealth nang suspindihin nito ang pagbabayad sa claim para sa kanila nang walang sinunod na due process.
“Ginawa ng PhilHealth ang desisyon nito nang hindi tinatapos ang audit report nito at hindi kami binigyan ng tsansang makapagpakita ng mga dokumentong magpapatunay na inosente kami. Wala nga silang ebidensiya na nagsasangkot sa amin sa kontrobersiya bukod sa pagpapakita ng mga pinalaking datos na aming kinukuwestyon at sumisira sa aming reputasyong pinangangambahan naming hindi na namin mababawi,” hinaing ni Aguirre.
Batid anya ni Dr. Leachon ng PCP na napakahalaga sa sino mang duktor ang reputasyon. At pinatay ng PhilHealth ang reputasyon ng QCEC. Kinaladkad anya ng PhilHealth ang magandang pangalan ng QCEC sa national limelight sa mga pagdinig sa Senado na nagsakdal sa institusyon sa mata ng publiko.
“Bukas kami sa imbestigasyon ng Senado,” dagdag ni Aguirre.
“Sana gawin namang credible ng PhilHealth ang mga detalye ng accusations nito nang hindi nadadamay ang mga lehitimong institusyon kagaya namin,” wika pa ni Aguirre.