MANILA, Philippines – Hindi napigilan kahapon ni Senate President Franklin Drilon na paulit-ulit na i-boo ang mga militanteng miyembro ng Makabayan bloc sa House of Representatives na nagprotesta sa loob ng plenaryo matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III.
Naglabas ng placards ang mga militanteng mambabatas na nagsasabing “walang pagbabago sa ilalim ni Aquino”, “manhid”, “serbisyong palpak”, “human rights violator”, “mapang-aping haciendero”.
Ginamit pa ni Drilon ang microphone na nasa harapan niya para i-boo ang mga nagpo-protestang mambabatas bago tuluyang isara ang joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Halata naman hindi nagustuhan ng Pangulo ang ginawang pagpo-protesta matapos ang kanyang huling SONA.
Kaugnay nito, sinabi ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na bahagi ng demokrasya ang nangyari pero hindi umano dapat isinagawa ang nasabing protesta sa nasabing okasyon.
Napikon si House Speaker Feliciano Belmont Jr. sa harapang pambabastos ng ilang mga militanteng kongresista kay Pangulong Bernigno Aquino matapos ang SONA nito kahapon.
Ito ay dahil sa biglang naglabas ng placards sa harap mismo ng Pangulo sina Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmie de Jesus, Bayan Muna Rep. Isagani Zarate at Anakpawis Rep. Fernando Hicap.
Dahil dito kaya nag boo naman si Senate President Franklin Drilon at iba pang Kongresista sa mga miyembro ng Makabayan bloc na nagladlad ng kani-kanikang placards.
Sinabi ni Belmonte na “bad manners” lang ang ginawa ng mga kongresista subalit hindi rin nito masabi na ito ang karapatan nila. Ang tiyak lamang umano ay mali ang ginawa ng mga ito.
Wala namang balak na parusahan ang mga kongresistang naglabas ng placards subalit kung may maghahain umano sa mga ito sa ethics committee ay hindi niya ito mapipigil. Para kay Belmonte sapat nang makita ng apat na napahiya ang mga kapwa mambabatas sa ginawa ng mga ito.