MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Benigno Aquino III sa Kongreso na ipasa ang Anti-Dynasty Law upang pigilan ang paghahari-harian ng mga pamilya sa gobyerno.
“Panahon na upang maipasa ang Anti-Dynasty Law,” wika pa ni Pangulong Aquino sa kanyang State of the Nation Address sa joint session ng Kongreso SONA kahapon.
Aniya, hindi tayo sigurado kung malinis ang intensyon ng susunod kaya panahon na para ipasa ang Anti-Dynasty Law. “May mali sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibiduwal,” giit pa ng Pangulo.
Bukod dito, hiniling din niya sa Kongreso na ipasa na nito ang Bangsamoro Basic Law (BBL) gayundin ang Fiscal Incentives Rationalization Act at United Pension Bill. Siniguro din ng Pangulo na matatanggap na agad ng Kongreso ang proposed 2016 national budget upang maagang mabusisi ito at maipasa sa takdang oras.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati ay isa-isang pinasalamatan ni Pangulong Aquino ang kanyang Gabinete sa pagsisilbi sa kanyang gobyerno kung saan ay hindi siya iniwan sa loob ng 5 taon.
Ipinagmalaki rin ni Pangulong Aquino na, dahil sa tuwid na daan at mabuting pamamahala sa loob ng nakalipas na limang taon, tinagurian na ang Pilipinas na Asia’s Rising Tiger at Asia’s Rising Star dahil sa pagtitiwala ng mga foreign investors na magnegosyo sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Aquino na tiwala na ang buong mundo at mga foreign investors sa Pilipinas kaya patas na ngayon ang laban at tinagurian na tayong Asia’s Rising Star at Asia’s Rising Tiger.
Aniya, maraming Overseas Filipino Worker ang bumabalik sa bansa para dito na lang magtrabaho “dahil mayroon na tayong mga job opportunities.” Pinalakas din ng gobyerno ang programa sa edukasyon at tech-voc upang tugunan ang sinasabing job-mismatch sa pamamagitan ng mga programa ng K to 12 ng DepEd at tech-voc ng TESDA.
Ipinagyabang din ni Aquino na sa loob ng kanyang 5 taon sa gobyerno ay 15 lamang ang natuloy na labor strike kumpara sa 199 strike na nangyari sa nakaraang administrasyon.
Sinabi pa nito, sa simula ng kanyang administrasyon ay itinigil na ang ‘wang wang’ hindi lamang sa kalsada kundi sa gobyerno sa pamamagitan ng daang matuwid kung saan ay hindi sinasayang ang bawat sentimo ng kaban para sa makabuluhang proyekto na pakikinabangan ng taumbayan. Aniya, sa kasaysayan ay nakakolekta ang BIR ng P1.06 trilyon noong 2012 at umabot sa P1.3 trilyon ang koleksyon ng BIR noong 2014 kahit walang bagong buwis bukod sa SIN tax at inaasahang aabot ng 1.5 T sa 2015.
Wala ring nangyaring re-enacted budget sa nakalipas na limang taon ng Aquino administration kaya mabilis na napopondohan ang mga tamang proyekto ng gobyerno. Ipinagtanggol din niya ang ipinatupad na Conditional Cash Transfer kung saan ay umabot sa 4.4 milyong household ang naka-enroll sa CCT kumpara sa dinatnan nilang 786,000 kasabay ang pagmamalaki sa pinalawak na Philhealth benificiaries.
“Boss ito ang konsepto ng kung walang kurap, walang mahirap.. Ito ang pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw, I thank you bow,” dagdag pa ni PNoy.