MANILA, Philippines – Mistulang inendorso ni Pangulong Benigno Aquino III si Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng Senado at Kamara kahapon.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa huling bahagi ng kanyang SONA na nagpasalamat siya kay Roxas dahil pinatunayan nito na talagang may ibubuga ito kaya pilit itong ibinabagsak.
“Mar pinatunayan mong hindi maibabagsak ang isang mabuting tao. Magtiwala ka, alam ng taumbayan kung sino talaga ang inuuna, ang bayan bago ang sarili,” wika pa ni Pangulong Aquino sa kanyang papuri kay Roxas na sinasabing ieendorso ni Pangulong Aquino bilang magiging kandidato ng administrasyon sa halalang pampanguluhan sa 2016.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo sina PCOO Sec. Sonny Coloma, Presidential Spokesman Edwin Lacierda at Usec. Abigail Valte sa pagsagot ng mga ito sa lahat ng mga tanong ng media, may saysay man o wala.
Nagpasalamat din ito sa iba pang miyembro ng Gabinete dahil hindi siya nito iniwan sa loob ng limang taon ng kanyang administrasyon.
“Hindi ako natinag dahil nasa likod ko kayo, tunay ngang hindi ako nag-iisa,” wika pa niya. Pinasalamatan din niya ang yumaong dating DILG Secretary Jesse Robredo dahil hanggang ngayon ay nagsisilbi niya itong inspirasyon sa paglilingkod.
Sa sambayanang Filipino, taos-puso ang pasasalamat ni Pangulong Aquino dahil karangalan daw nito na paglingkuran ang mga Pilipino. Ito na ang pinakamahabang SONA ni Pangulong Aquino na tumagal ng dalawang oras at 14 na minuto na punong-puno din ng mga ‘video testimonials’.
Kapag nagpatuloy ang daang matuwid sa loob ng isang henerasyon ay tinatayang maaabot na natin ang first world country at kapag tumahak tayo sa baluktot ay habambuhay tayong mawawala at mapag-iiwanan,” sabi pa ng Pangulo. “Lahat ba ng ating naipundar, lahat ba ng ating napaghirapan, maglalaho dahil sa isang eleksyon lamang? Ang susunod na halalan ay referendum para sa Daang Matuwid. Hahayaan ko na kasaysayan na ang humusga. Nasa inyong mga kamay ang direksyon natin.”