May 12 Pinoy na nasangkot sa iba’t ibang kaso at na-convict ang pinalad na nabigyan ng royal pardon ng Qatar goverment.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang 12 Pinoy na nakatakdang lumaya ay 11 lalaki at isang babae.
Ang clemency ay inaprubahan ng Emir ng Qatar na si Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani para sa 12 Pinoy matapos nilang maisilbi ang ilang bahagi ng kanilang sentensya.
Sinabi ng DFA na ibinibigay ang pardon kada taon sa pagdaraos ng Ramadan sa Qatar at iba pang bansa sa MiddleEast.
Pangkaraniwang praktis na sa Arab states na magbigay ng royal pardon sa mga dayuhan o kanilang mamamayan na kinokonsidera na hindi banta sa kaayusan o katahimikan lalo na sa pagdaraos ng Ramadan. Hindi kabilang sa mga nabigyan ng pardon ang may mga malalaking kaso at sentensya.
Nitong nakalipas na linggo, inianunsyo rin ng pamahalaan ng United Arab Emirates na 11 Pinoy ang masuwerteng nakakuha ng clemency at inutos na palayain ni UAE Vice President at Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum.