Korapsiyon sa Iglesia ni Cristo itinanggi

MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) ang mga ulat na sila ay nagkakawatak-watak na at may nagaganap na korapsiyon sa kanilang sekta.

Ito ay ipinaliwanag ni INC spokesman Edwil Zabala isang araw makaraang tanggalin bilang miembro ng sekta si Tenny Manalo at Angel Manalo, ang ina at kapatid ng kasalukuyang punong ministro ng INC na si Eduardo Manalo.

“Hindi po porke’t may tumiwalag eh nangangahulugan nang divided ang Iglesia ni Cristo. Iilang tao lamang po ito na mga itiniwalag. Ang Iglesia ni Cristo ay malaking organisasyon po hindi lamang sa Pilipinas,” ayon kay Zabala.

Sinabi din nito na walang krisis na nagaganap sa INC at ang desisyon na alisin sa sekta si Tenny at Angel ay hindi nakakaapekto sa paniniwala ng mga tagasunod ng INC.

Noong Huwebes, inalis ng pamunuan ng INC bilang miyembro sina Tenny at Angel matapos sumambulat ang isang video sa Youtube na humihingi ang mga ito ng tulong sa kapatiran dahil sa nalalagay umano sa peligro ang kanilang buhay at ilang ministro ang dinukot at patuloy na nawawala.

Kaugnay nito, isang ministro ng INC na si Isias Samson Jr, 65 anyos ay nagsabing nagmistulang bilanggo siya at ang kanyang pamilya sa sarili nilang bahay dahil sa round the clock silang binabantayan ng mga armadong guardiya at ilang indibidwal na may matataas na kalibre ng armas.

Si Samson ay sinasabing nakawala lamang sa mga armadong lalaki at nakapagsalita sa media noong Huwebes ng gabi kasunod ng paglabas ng video ng mag-inang Tenny at Angel.

Show comments