MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Philippine National Police (PNP) sa naglipanang mga salisi gang, mandurukot at bag slasher na nambibiktima sa loob at labas ng mga Simbahang Katoliko kaugnay ng Visita Iglesia ngayong Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., dapat mag-ingat ang mga deboto dahil hindi naman porke panahon ng kuwaresma ay magsisipagtika ang mga kriminal dahil wala ang mga itong pinipiling lugar sa paghahanap ng mga mabibiktima.
Sa rekord ng PNP, karaniwan ng tumataas ang mga insidente ng pandurukot, bag slashing at maging sa pagsalisi sa mga simbahan ng mga kawatan kaya mas makabubuting mag-ingat ang mga deboto.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ang Minor Basilica de Nazareno sa Quiapo; Manila Cathedral sa Intramuros; St. Jude sa Mendiola; Our Lady of Loreto at Saint Anthony Shrine sa Bustillos, Sampaloc; Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran; Sta. Cruz Church; Sto. Domingo Church sa Quezon City at iba pa.
Gayundin sa mga dinarayong simbahan sa mga kanugnog na lugar sa Metro Manila tulad ng Our Lady of Peace sa Antipolo City.
Nagbabala rin ang PNP sa posibleng paghalo sa mga prusisyon ng mga kawatan o sa mga lugar kung saan siksikan ang mga deboto. Patuloy din ang mahigpit na pagbabantay ng mga pulis sa mga pampublikong terminal sa Metro Manila. (Joy Cantos)