Free internet sa mga establishments giit

Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Isinulong ni Quezon City Rep. Winston ‘Winnie’ Castelo ang panukala para sa libreng internet sa mga malalaking establisimyento ng Metro Manila.

Sa House Bill 1784 ni Castelo, oobligahin ang mga naturang negosyo at tindahan na magkaroon ng libreng internet para sa mga parokyano nito.

“Higit na mahalaga ang papel ng komunikasyon at impormasyon sa komersiyo at mga mamimili sa kasalukuyang panahon kaya inaasahan ng publiko ang internet saan man sila naroroon,” pahayag ni Castelo.

Tinukoy din ni Castelo ang pangangailangan na makasabay ang mga Pilipino sa takbo ng mundo kaugnay ng impormasyon, pagsasaliksik at edukasyon kung saan importante ang internet.

“Tinutulungan ng free wi-fi access ang mga mamamayan na gumawa ng mahahalagang desisyon saan man sila kaya naman hindi na hadlang para dito ang layo ng lugar at ibang limitasyon,” ani Castelo.

Ang mga establishments na may P1M minimum capital requirement ay obligadong magbigay ng libreng internet para sa mga kostumer nito.

Hindi naman sakop ng panukala ang mga tindahan na maliliit ang kapital tulad karinderya o sari-sari store.

Show comments