MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Sen. Grace Poe ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na agarang magsumite ng isang “full report” sa pinakahuling aberya ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) kung saan nahirapang makahinga ang mga commuters at napilitan pang maglakad sa riles ng tren.
Sinabi ni Poe na ang serye ng breakdowns ay pinapalala pa ng mahina at hindi maayos na maintenance ng MRT.
Nakakadismaya na aniya ang sunud-sunod na aberya sa MRT.
Idinagdag nito na dapat ay gawing lahat ng DOTC ang kanilang magagawa para matiyak ang kaligtasan ng mga sumasakay sa tren.
Dapat rin aniyang makumpleto sa takdang oras ang overhaul sa system at sa re-awarding ng maintenance contract.
Noong Marso 26, ang mga pasahero ng northbound MRT3 ay napilitang maglakad sa railway ng Santolan station matapos magkaroon ng aberya. Bigla umanong huminto ang tren at tumagal ng halos kalahating oras na halos na-suffocate ang mga pasahero sa loob.
Ipinaalala rin ni Poe na dapat ibalik ang ibinayad na pamasahe ng mga pasahero.