MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa heightened alert status ang Philippine National Police (PNP ) kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., nasa heightened alert ang kapulisan sa Luzon at Visayas Region at ipauubaya na sa mga Regional at Provincial Directors ang pagsasailalim sa full alert status depende sa security assessment sa mga lugar na kanilang hurisdiksyon.
Samantala ang Mindanao Region ay dati ng nasa full alert status kaugnay ng anti-terrorism campaign ng PNP at AFP.
Sinabi ni Cerbo na 90% ng kapulisan ay nakaalerto para tiyakin ang matiwasay at mapayapang paggunita sa Semana Santa o ang panahon ng pagtitika ng mga Katoliko.
Ang heightened alert ang ikalawang pinakamataas na alerto na ipinatutupad ng PNP sa mga mahahalaga at tradisyunal na okasyon sa bansa na nangangahulugan rin na kanselado ang bakasyon ng mga pulis.
Sa tala, 80% ng populasyon ng Pilipinas ay mga deboto ng Simbahang Katoliko at ayon sa opisyal ay palalakasin ang police visibility mobile patrol sa bisinidad ng mga simbahan, public transport terminal, paliparan, mga matataong lugar na dinarayo ng mga turista sa panahon ng Mahal na Araw tulad ng mga malls, beach resort, parks at iba pa.
Nagpaalala naman ng ‘safety tips’ si Chief Supt. Nestor Quinsay, Director ng Police Community Relations Group (PCRG) sa mga magsisipagbakasyon o magtutungo sa mga probinsya sa Semana Santa na ihabilin sa kanilang mga kapitbahay ang kanilang maiiwang tahanan upang hindi mabiktima ng “akyat-bahay”.
Sinabi ni Quinsay na karaniwan ng nagsasamantala ang mga kawatan kapag walang tao ang mga tahanan na pinapasok ng mga ito kaya mahalaga na may maiwang tao ang mga bahay.
Kung wala namang kapitbahay na mapakikiusapang bantayan ang mga bahay ay magandang ideya rin na ipaubaya muna sa mga alagang aso ang kanilang mga tahanan.