MANILA, Philippines - Nagbigay ng talumpati ngayong Biyernes si Pangulong Benigno Aquino III sa unang anibersaryo ng paglagda sa kasunduan ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Layunin ng kasunduan na magtayo ng Bangsamoro Region na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung saan magkakaroon ng power at wealth sharing sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front.
Sa kasalukuyan ay nakabinbin pa sa Kongreso ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law.
Narito ang kumpletong pahayag ng pangulo:
Isang taon na po ang lumipas mula nang lagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. Noong ika-27 ng Marso, 2014, inimbita natin dito sa Malacañang ang mga nagsikap upang buuin ito: Ang mga kabahagi ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kasama na ang unipormadong hanay; ang peace advocates na napakatagal nang hinintay ang pagkakaroon ng naturang kasunduan; ang mga kinatawan ng ibang bansa, na nakiisa sa ating tagumpay; ang lahat ng mga stakeholder sa Bangsamoro, na talaga naman pong sawang-sawa na sa hidwaan at karahasan; at siyempre po, ang mga kapatid natin sa MILF, na sa pagnanasang itigil na ang napakahabang kaguluhan, ay buong-loob na nagpamalas at nagpapamalas pa rin na sila’y mapagkakatiwalaan, at kapwa nating naghahangad ng kapayapaan. Noon po, ginunita natin ang mahabang proseso ng pagpapanday ng kasunduang patas at makatarungan. Binalangkas natin ang pagbabagong nais nating ihatid sa isang sistemang matagal nang inabuso ng iilan, at naitala ang mga pangarap para sa Bangsamoro. Ang sabi pa natin noon:
“If we sustain the momentum for peace, by 2016, the MILF will have shed its identity as a military force, and transformed itself into a political entity, casting its stake in democracy by vying for seats in the Bangsamoro elections. The Bangsamoro shall form a perimeter of vigilance against the spread of extremism… And from this shared security, we shall enhance the era of prosperity that is dawning upon our region, and harness its energies towards creating a regime of opportunity and inclusivity where no one is left behind.”
Di po ba’t napakalaking karangalan ang naabot natin sa kasunduang ito, at napakasarap ipagmalaki sa buong mundo—na tayong mga Pilipino, ikinalat man sa maraming isla, magkakaiba man ng paniniwala, ay may iisang adhikain para sa kapayapaan? Na kaya nating isantabi ang mga pagkakaiba, at tumutok sa kung ano ang nagbibigkis sa ating lahi? Nakakalungkot nga po, na isang taon pa lang ang nakalipas, ay tila nalimot na natin ang pag-asang naramdaman natin noon. Sa halip, napalitan ito ng kawalan ng tiwala, ng di-makatwirang pagdududa, at ng galit.
Hindi nga po madali ang landas patungo sa kapayapaan. Ang una nating ginawa: Tinukoy natin ang tunay na problema, upang makapaglatag ng tamang solusyon. Tandaan natin: Nag-ugat ang kaguluhan sa Mindanao noong panahon ng diktadurya dahil sa land grabbing o agawan ng lupa. Kinasangkapan ang batas para samantalahin ang mga di-aral, at ipagkait ang kanilang lupain. Sayang nga po, dahil walang nakaisip, na kung pang-aabuso sa batas ang naging ugat ng problema, makatwiran, at makatarungang batas ang dapat lumutas dito. Hanggang ngayon nga po, nararanasan pa rin natin ang epekto ng kapabayaang ito. Pero malinaw po: Ngayon, iba na ang punto de bista ng inyong pamahalaan. May mga inisyatiba na tayo gaya ng pagsusulong ng indigenous rights at pangangalaga sa ancestral domains.
Ang Bangsamoro Basic Law nga po ang isa sa pinakamahalagang panukalang batas ng ating administrasyon. Tinutugunan nito ang dalawang pinakamalubhang problema ng ating mga kababayan: kahirapan at karahasan. Produkto ito ng 17 taon ng masusing pag-aaral at negosasyon.
Gayumpaman, mayroon pong mga tumututol sa pagsasabatas nito. May mga puna sila bunsod lamang ng kakulangan sa pag-intindi sa BBL, gaya na lamang ng sinasabing magkakaroon daw ng hiwalay na kapulisan ang Bangsamoro oras na maipatupad ito. Dapat po ba tayong magtiwala sa mga nagsasabing itigil ang usaping pangkapayapaan na walang inaalok na kapalit? Saan ba tayo dadalhin ng mga ito kung makikinig tayo sa kanila?
Ang sa akin po: Kung may pagkukulang pa ang BBL, matutugunan ito kung itutuloy ang debate ukol dito. Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Kongreso, binibigyan ang bawat isa ng pagkakataong unawain ang panukalang batas. Naniniwala tayo: Ang inisyatibang nagmula sa mabuting layunin ay maaari pang maisaayos ng mga taong mabuti ang hangarin sa kapwa.
Batid ko po na ang mga pangyayari sa Mindanao, kasama na ang insidente sa Mamasapano, ay nagdulot ng pagdududa sa isip ng ating mamamayan. Ang resulta: Nailayo ang usapan sa obhetibong ebalwasyon ng BBL.
Para tugunan ito, nag-imbita ako ng citizen leaders na kilala sa kanilang kaalaman at integridad, upang tumayong independent convenors. Kabilang po dito sina Luis Antonio Cardinal Tagle, dating Chief Justice Hilario Davide Jr., Jaime Augusto Zobel de Ayala, Howard Dee, at Bai Rohaniza Sumndad-Usman. Sila ang magbubuklod sa iba pang responsable at respetadong pinuno upang pangunahan ang isang National Peace Summit na bubusisi at tatalakay sa BBL. Hihimayin nila ang panukalang batas na ito sa mahinahon at risonableng paraan na hindi mag-uudyok ng mga galit at kawalan ng pag-asa. Sa ganitong paraan, mas mapapabuti ang BBL. Gagawa sila ng ulat na isasapubliko upang mabasa ng lahat, at makatulong sa higit na pag-unawa ng ating mamamayan. Sa ganitong paraan, maisusulong natin ang makatwirang pagpapasya ukol sa Bangsamoro Basic Law.
Asahan naman po ninyo: Habang papalapit tayo nang papalapit sa inaasam nating kapayapaan, lalong lalakas ang ingay ng mga naglalayong sirain ang tiwala natin sa isa’t isa. Marapat lang po silang paghandaan upang hindi magtagumpay. Nawa’y suriin din natin ang tunay nilang motibasyon. Kung talagang nais nilang paglingkuran ang kanilang mga nasasakupan, di ba’t dapat nasa panig din sila ng kapayapaan? Napapaisip tayo: Hindi kaya ang mga gustong pumigil sa BBL ay ang mga maapektuhan ng transpormasyong nais nating gawing permanente para sa Bangsamoro? Marahil, ang tanging pakay nila ay muling maghari-harian oras na bumalik tayo sa dating sistema.
May mga nagsasabi nga pong itigil na natin ang usaping pangkapayapaan. All-out war daw ang kailangan nating gawin. Ang tanong ko po sa kanila: Ano ba’ng nakikita ninyong mabuting idudulot ng giyera? Ngayong umuusad na tayo’t umaasenso, ngayon pa ba natin isusulong ang karahasan, pabalik sa landas ng kahirapan?
Nasubok na po ng mga nakaraang liderato ang all-out war. Ito pong all-out war na ito ang naging tugon na nila noon pang dekada sitenta. May napala po ba sila at tayo? Ang naging resulta lang nito: Daan-daang libo ang namatay, ang nasira ang kabuhayan, at napako sa pagdurusa ang Mindanao. Di po ba klaro na mali ang naging tugon nila? Ano ang nangyari? Natapos ba ang gulo? Di po ba’t kumitil lamang ito ng daan-daang libong buhay? May mga ulat nga po, na sa panunungkulan ni Ginoong Marcos, isinasabay ang mga blackout sa pagdating ng mga body bag para walang makakita sa dami ng casualties.
Isipin na lang po ninyo, kapag muling nadiskaril ang usaping kapayapaan, mawawalan ng espasyo para sa maayos na pakikipag-usap sa mga pinuno, at sa lahat ng Moro na handang makinig sa katwiran, at nagnanais din ng kapayapaan. Hindi ba’t baka pati sila, matulak nang sumama sa nagnanais ng karahasan? Kapag lumubha ang kaguluhan sa Mindanao, lalong lalalim ang mga sugat at lalong dumami ang mga naghihinanakit. Ang mga dating isinantabi at inapi ng sistema at mga institusyon, lalong madaramang api sila. Ang mga hindi maabot ng ayuda ng gobyerno, lalo pang mahihirapan. Sa palagay po ba ninyo, magiging maayos silang kausap—’pag nangyari lahat ito—sa usaping pangkapayaan, matapos silang masaktan, magdanak ng dugo at maapi lalo.
Alam naman natin ang dahilan kung bakit lumawak ang impluwensiya ng mga bandidong tulad ng Abu Sayyaf. May mga komunidad na napakatagal nang pinagkaitan ng serbisyo at kalinga ng gobyerno. Sa kawalan ng suporta mula sa pamahalan, ang Abu Sayyaf ang pumuno sa kanilang kapabayaan. Habang nakikita lamang nila ang pamahalaan tuwing eleksiyon o kapag mayroong operasyon ang militar, nariyan naman ang Abu Sayyaf, na sa kabila ng panggugulo ay nagsusustento sa pangangailangan ng mga komunidad nila. Dahil nga rito, nakuha ng Abu Sayyaf ang kanilang simpatiya. Mayroon ngang mga kumukupkop sa mga Abu Sayyaf, dahil may pakinabang sila sa mga ito.
Ang sangandaang kinakaharap natin: Pagsumikapang pumanday ng kapayapaan ngayon, o magbilang ng mga body bag sa kinabukasan. Sa mga nagsasabing all-out war ang solusyon, tingin ba n’yo may posibilidad pang mapag-usapan ang kapayapaan kapag nagsimula na ang barilan, kung kailan mas sariwa na ang sugat at pagkabigo ng kasunduan? Marahil, madali para sa inyo ang mag-udyok ng all-out war dahil malayo pa sa Luzon at Visayas ang kaguluhan. Pero kapag tumindi ang hidwaan, dadami ang Pilipinong nakikipagbarilan sa kapwa Pilipino, at hindi malayong kakilala o kamag-anak n’yo ang matatagpuan sa loob ng mga body bag na ito. Kung sa ganito hahantong ang lahat, masasayang lamang ang sakripisyo ng mga nagbuwis ng buhay upang makamit ang inaasam nating kapayapaan. Kung tatanungin nga ninyo ang mga sundalo at pulis, at iba pa nating miyembro ng unipormadong hanay, sila ang unang tutol sa digmaan, dahil sila ang may pinakamalaking sakripisyo at pangunahing sakripisyo dito.
Lilinawin ko lang po: Ang desisyong ito ay hindi lamang para sa natitirang panahon ng aking termino, kundi para sa kapakanan ng susunod na mga henerasyon. Kayong mas nakababata, maaatim ba ninyo ang isang lipunang kailangan niyong sumuong sa digmaan imbes na tuparin ang inyong mga pangarap? Sa mga magulang: Gugustuhin ninyo bang magpamana ng kinabukasang karahasan ang nangingibabaw? Hindi po natin hahayaang mangyari ito. Patuloy tayong tatahak sa landas na nagpapalapit sa atin tungo sa kapayapaan.
Ngayon po, nag-uusap na ang MILF at ang ating gobyerno, na dating nasa magkasalungat na panig. Ngunit nagkakaedad na rin ang mga katuwang natin sa MILF na sina Al Haj Murad at Mohagher Iqbal. Walang garantiya na ang mga susunod sa kanila ay magpapakita ng parehong tiwala, at ng parehong kagustuhang maglapag ng armas. Kung mabibigo ang pagsulong ng BBL, papaano nila hihimukin ang kanilang mga tauhan at kasamahan na ipagpatuloy ang paghahanap sa kapayapaan? Di ba’t magiging mas madali para sa mararahas na elemento sa kanilang hanay na sabihing, “Nakita na ninyo, wala talagang mararating ang usapan, mas makapangyarihan ang baril.” Alalahanin natin: Dalawang henerasyon na ang nasayang ng kaguluhan. Ngayong tayo na ang narito, hahayaan ba nating matulad dito ang mga susunod pang salinlahi?
Muli ko pong ididiin: Hindi mareresolba ng karahasan ang karahasan; hindi matatapos ang galit kung galit din ang itutugon natin dito. Tanging malasakit ang sagot sa karahasan; tanging pag-ibig ang pupuksa sa galit. Kalabisan po bang hilingin na ang Pilipino ay magpakita ng malasakit at pag-ibig sa kapwa Pilipino? Wala naman po sigurong magkakaila na kung makakamtan ang kapayapaan, aangat ang antas ng pamumuhay sa Bangsamoro. Kung aangat ang isang rehiyon, aangat ang buong bansa. Tunay nga po: Kapayapaan ang tanging landas tungo sa minimithi nating malawakang kaunlaran.
Sa araw na ito, nawa’y mapaalalahanan po tayo na mayroon tayong ginintuang pagkakataon ngayon upang makamtan ang kapayapaan, at siguruhing ang mga nais manggulo ay maliliwanagan sa magagandang bunga ng pagtitigil-putukan. Nawa’y isipin po natin ang magandang kinabukasang nag-aabang, kung pagtitibayin at itutuloy lang natin ang ating mga nasimulan. Pagtibayin po natin ang tiwala, pagtibayin po natin ang pag-asa; iyan ang ating magiging ambag sa isang maayos at masaganang lipunan na maipagmamalaki at maipapamana natin sa mga susunod na salinlahi. Hindi po ako naghahabol ng kapayapaan para lang masabi na may iniwan ako. Ang itinataguyod natin: isang tunay na kapayapaan na talagang tinutugunan ang mga ugat ng problemang nagdulot ng karahasan. Sa puntong ito ng ating kasaysayan, sinasabi ko sa inyo: Ang BBL ang magsasakatuparan po nito.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.