PNoy ’di nag-sorry, humingi ng pang-unawa sa Mamasapano

SYMPATHY AND JUSTICE: President Aquino offers prayers for the slain SAF commandos at Camp Bagong Diwa in Bicutan in January. WILLY PEREZ

SILANG, Cavite, Philippines -- Sa halip mag-sorry, humingi ng pang-unawa si Pa­ngulong Aquino sa sambayanan kaugnay ng Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) noong Enero 25.

“Sa bawat Pilipinong nabigo at nasaktan dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng operasyong ito buong pagpapakum­baba kong hinihiling ang inyong pang-unawa,” sabi ng Pangulo sa graduation rites ng Lakandula Class ng Philippine National Police Academy (PNPA) kahapon.

“Bilang Pangulo, pa­san ko ang responsibilidad para sa anumang resulta, sa anumang tagumpay, pasakit, o trahedya, na ma­aari nating matamasa sa paghahangad ng pangmatagalang seguridad at kapayapaan. Ikinalulungkot kong may mga pamil­yang nawalan ng asawa, ama, kapatid, anak, dahil sa nangyari sa Mama­sapano,” wika niya.

Sinabi pa ni Aquino, magsisi man siya o ma­galit dahil sinuway ang kanyang utos na makipag-coordinate ang SAF sa AFP at hindi nagsabi ng totoo ang kanyang mga pinagkatiwalaan sa Oplan Exodus ay patay na ang SAF 44.

Dadalhin anya niya hanggang hukay ang sinapit ng 44 SAF troopers­.

Mistulang binanatan din ni PNoy ang BOI at Senate report sa Mama­sapano incident sa pagsasabing sa halip na magtanong ay naglagay ito ng mga ispekulasyon.

“Paano naman makakatulong sa paglilinaw ng isyu kung hula ang ga­gamitin imbes na facts?”

Ikinalulungkot din ng Pangulo ang pagka­damay ng usaping pangka­payapaan dahil sa isyu.

 

Huli na

Naniniwala naman si Sen. Bongbong Marcos na huli na ang ginawang paghingi ng pang-unawa ni PNoy.

Sinabi ni Marcos na atrasado na ang pahayag ng Pangulo makaraang abutin ng dalawang  buwan bago humingi ng matinding pang-unawa sa publiko lalo na sa pamilya ng napaslang na SAF troopers.

Giit ni Marcos, ayaw ng mga pamilya ng mga nasawing SAF ng mga excuses o palusot at mas gusto nilang marinig ay ang buong katotohanan hinggil sa naging papel ng Pangulo sa ipinatupad na Oplan Exodus.

Show comments