MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni Senator Alan Peter Cayetano na may nagtatangka sa kanyang buhay dahil sa tahasang pagkontra niya sa pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Cayetano, isang pulitiko umano mula sa Metro Manila ang isasakripisyo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) base sa intelligence report na nagmula sa isang law enforcement agency.
Sinabi ni Cayetano na bukod sa nasabing intelligence report, may isa pang ulat mula sa “unofficial sources” na nagsasabing gusto siyang itumba.
“One report came from an official report, but they requested not to divulge it in public since they are still investigating the report. The threat was specifically for me as a senator,” ani Cayetano.
Ayon pa kay Cayetano sa official sources pinangalanan siya na target ng asasinasyon pero sa unofficial sources isang pulitiko lang ang tinutukoy.
“There is an specific politician in the official sources, and a politician in general in the unofficial source, who will be sacrificed for the passage of BBL,” ani Cayetano.
Kung matutuloy aniya ang asasinasyon, itatanggi ito ng MILF at ituturong may kasalanan ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
“Kapag nangyari iyo, palalabasin na naman ng MILF na BIFF iyon, pero hindi naman BIFF iyon, na palagi nilang ginagawa. Alam nyo ang BIFF at MILF ay BFF, best friend forever,” wika ng senador.
Idinagdag nito na siniseryoso ng kanyang pamilya ang nasabing intelligence reports at ikinokonsidera nila ang pagdadagdag ng security personnel para sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya.
Ayon pa sa senador, mula sa Marawi City hanggang Luzon ay mayroong isang black propaganda laban sa kanya na nagsasabing isa siyang anti-Muslim.
Pero sa Taguig City umano na isa sa may pinakamalaking community ng Muslim, ang Maharlika Village, karamihan sa mga ito ay kanyang mga supporters.
“I am not anti-Muslim, but I am anti-MILF. In fact the chief security of Taguig City is a Muslim, why should I be an anti-Muslim,” dagdag ni Cayetano.