Ombudsman sa SC: TRO ni Binay ibasura

Makati Mayor Junjun Binay. Philstar.com/AJ Bolando

MANILA, Philippines – Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Korte Suprema ngayong Huwebes na ibasura ang temporary restraining order (TRO) na ibinigay ng Court of Appeals (CA) para sa preventive suspension ni Makati Mayor Jejomar Erwin "Junjun" Binay.\

Iginiit ng Ombudsman na mayroong silang kapangyarihan bilang independent constitutional body na maglabas ng kautusan laban sa isang opisyal ng gobyerno.

Nitong Marso 11 ay iniutos ng Ombudsman na suspendihin si Binay ng anim na buwan upang magbigay daan sa imbestigasyon sa umano'y overpriced na Makati City Hall II.

Kaagad pumalit si Vice Mayor Romulo "Kid" Peña at nanumpa matapos ipatupad ng Department of the Interior and Local Government ang kautusan nitong Marso 16.

Ilang oras lamang ang lumipas ay naglabas ang CA ng 60-araw na TRO laban sa suspensyon ni Binay at iba pang opisyal ng lungsod.

Hanggang ngayon ay nananatili sa pwesto si Binay, habang acting mayor naman si Peña kaya naman mayroong kaguluhan sa lungsod.

Inamin ng acting mayor na apektado ang sahod ng nasa 8,000 empleyado ng city hall dahil sa agawan sa pwesto.

Show comments