Divorce bill hinog na

File photo

MANILA, Philippines – Matapos ang survey ng Social Weather Station (SWS) na 60 porsiyento ng Filipino ang pabor sa pagsasabatas ng divorce bill, panahon na umano para talakayin ang nasabing panukala sa Kamara.

Ayon kay Gabriela partylist Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus, ang resulta ng nasabing survey ay isang indikasyon na hinog na sa panahon ang House Bill 4408 para ipasa ito dahil isa itong option sa mga kababaihan lalo na ang mga biktima ng karahasan upang maresolba ang hindi masayang buhay may asawa.

Ang panukala na inihain nina Ilagan at de Jesus noong Mayo 2014 ay kasalukuyan pang nakabinbin sa House Committee on Population and Family Relations at wala pang ipinapatawag na public hearing para sa deliberasyon nito.

Subalit para kay Buhay partylist Rep. Lito Atienza, ang resulta ng survey ay hindi dapat maging signal para gawing legal ng divorce bill.

Giit ni Atienza, hindi dahil sa popular ang isang bagay ay tama na ito, trabaho naman umano ng kongreso na magpasa ng batas na tama at mabuti sa mga Filipino.

Pangamba pa ng kongresista, sakaling maisabatas ang panukala ay magpapahina lamang ito sa mayorya ng pamilyang Pilipino.

Para naman kay House Speaker Feliciano Belmonte, wala pa rin kasiguruhan na maipapasa ngayong 16th Congress ang divorce bill kahit na lumabas ang SWS survey.

Inihalimbawa ni Belmonte ang RH law na mayorya ng kongresista ay pabor subalit naaprubahan lamang noong 15th Congress.

Show comments