MANILA, Philippines – Nakiramay si Pangulong Benigno Aquino III sa pagpanaw ng Singaporean leader na si Lee Kuan Yew na itinuring na founding father ng Republic of Singapore. “Sa buong buhay niya, bilang prime minister at senior minister, nagpakita si Lee ng hindi matatawarang debosyon sa kanyang bansa na ginawa niyang isang estado na magiging halimbawa ng mahusay, moderno at tapat na pamamahala. Ang pag-unlad ng Singapore ay umani ng paggalang ng mga bansa at mamamayan pati na ng libu-libong Pilipinong nagtrabaho at bumisita sa bansa,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na nagsabi pa na nakikiisa si Pangulong Aquino at ang sambayang Pilipino sa pagluluksa sa pagpanaw ni Lee. Si Lee na unang prime minister ng Singapore ay namatay kahapon sa edad na 91 anyos. Noon pang Pebrero 5 siya nakaratay sa Singapore General Hospital dahil sa pulmonya. Nakiisa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo sa pagluluksa sa pagkawala ng naturang lider.