MANILA, Philippines – Nagmistulang ‘Mamasapano massacre’ diumano ang ginawa ng mga tauhan ng Veterinary Quarantine Service sa isang bodega sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), matapos nilang patayin ang may 44 racing Homer pigeons sa pamamagitan ng pagbuga sa mga ito ng carbon dioxide habang nasa loob nang tatlong kaing ang mga pangarerang kalapati.
Dumating ang mga Homer racing pigeon noong March 7 sakay ng Qatar Airways flight galing sa bansang The Netherland at noong nakalipas na Sabado habang nasa Miascor warehouse ang mga ito ay nagdesisyon ang mga taga-VQS na patayin sila dahil sa pangambang may dala itong ‘avian flu’ virus dahil ang pinanggalingan nitong bansa ay isa sa European country na may record na grabe ang avian flu outbreak.
Ayon sa ulat, ang mga ibong kabilang ang mga kalapati at iba pang poultry products ay pansamanatalang pinagbabawal ng National Avian Influenza Protection Program (NAIPP) na makapasok sa Pilipinas kabilang na ang The Netherlands dahil kabilang ito sa naapektuhan ng Avian Flu.
Napag-alaman, sa VQS, ang mga kalapati at walang kaukulang phyto-sanitary clearance mula sa Bureau of Animal Industry (BAI). Ayon sa mga dalubhasa kailangan itong kumpiskahin sa lalong madaling panahon at agad patayin sa pagsunod sa kautusan ng NAIPP.
Kamakailan, ay itinaas ng Bureau of Animal Industry at ng Department of Agriculture ang alert level sa H5N1 papuntang H7N9, dahil nakakahawa na ang sakit sa mga tao.
Samantala, hindi nagbibigay ng import permits ang VQS at Bureau of Customs (BOC) sa mga manok at ibon mula sa mga bansa ng The Netherlands at South Africa bilang pag-iingat.