MANILA, Philippines - Labing-pitong detenidong Abu Sayyaf na sangkot sa terorismo ang ibiniyahe na kahapon upang ilipat ng kulungan sa Metro Manila.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., ang paglilipat sa mga bilanggong Abu ay upang tiyakin na walang magaganap na rescue sa mga ito sa kanilang kulungan matapos ang jailbreak sa Basilan nito lang Enero.
Tinutukoy ni Catapang ang pagpuga sa Basilan Provincial Jail noong Enero 27 na pinamunuan ng isang miyembro ng Sayyaf na kinilalang si Said Usman kasama ang pito pang inmates.
Ang nasabing Sayyaf detainees na isinakay sa C130 plane mula sa Zamboanga City ay dumating sa Villamor Air Base at idineretso sa Quezon City Jail annex sa Camp Bagong Diwa, Bicutan saTaguig City.
Kabilang sa mga Abu rebels na inilipat ng kulungan sina Ali Alkis, Ashraf Kunting, Ali Sahibul, Abu Mohalmi, Abu Ismael, Abu Akmad, Abu Abdul, Abu Dadal, Abu Benjamin, Aldie Danu, Abu Nas, Aldi Danu, Hapikin Sadun, Jess alyas Abu Jul, Usman Sakadi, Omar Eppong at Kamel Malibul.
Sangkot ang mga ito sa kasong murder, kidnapping, frustrated murder at iba pa.