MANILA, Philippines - Naniniwala si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel na may posibilidad pa rin na magkaroon ng kredibilidad ang eleksiyon sa bansa sa pamamagitan ng “transparent and credible election system (TCrES)” na posibleng ipatupad sa 2016.
Sa pagdinig ng Joint congressional oversight committee on the automated election system (JCOS-AES) na pinamumunuan ni Pimentel, sinabi nito na dapat tingnan ng Commission on Elections (Comelec) ang TCrES bilang isang alternatibong sistema ng halalan.
Ang TCrES umano ay isinusulong rin ng iba’t ibang election watchdogs at indibiduwal na naniniwalang “highly questionable” ang mga precinct count optical scan (PCOS) machines.
Si dating Comelec Commissioner at IT expert Gus Lagman ang isa sa mga nagsusulong ng TCrES na isang hybrid election system na inaasahang magiging daan para magkaroon ng kredibilidad at mas murang election process sa bansa kumapara sa PCOS at direct-voting electronic (DRE) technologies.
Itutulad ang TCrES voting sa mga nakaraang manual voting method kung saan magkakaron pa rin ng manual precinct counting pero gagamitin ang mas maayos na design ng mga Tally Sheet forms at Election Returns.
Ang resulta ay i-encode at ibi-verify at ipapadala “electronically”sa mga Municipal Board of Canvassers (MBOC) at sa Central Verification Server (CVS).
Susundan ito ng automated consolidation at canvassing ng boto sa mga municipal, provincial, at national levels.