MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng libreng Wifi sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Information and Communications Technology sa pamamagitan ng unanimous vote ang House bill 1550 o Free Public Wifi bill na inihain ni Kabataan Rep. Terry Ridon.
Layunin nito na paglaanan ng libreng internet connectivity ang mga gusali ng lahat ng tanggapan ng gobyerno kasama na ang Regional at Satellite Office sa mga Munisipyo o Kapitolyo.
Gayundin sa mga State Universities and Colleges, Parke o Plaza gayundin sa mga pampublikong ospital, airport at iba pang transportation terminals.
Ayon kay Ridon, kahit pa hindi lahat ng Pilipino ay may electronic gadget ay dapat maisip ng gobyerno na ang internet ay malaki ang maitutulong para mapabilis ang serbisyo nito sa publiko.
Itinatakda pa ng panukala na hindi dapat lagyan ng password o anumang restriction ang access sa libreng public wifi.