MANILA, Philippines – Bumagsak ang trust approval at trust rating ni Pangulong Benigno Aquino III sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Mula sa 59 percent approval rating ni Pangulong Aquino noong November 2014 ay bumagsak na lamang ito sa 38 percent nitong Marso sa isinagawang survey ng Pulse Asia matapos ang madugong Mamasapano incident kung saan ay nasawi ang 44 members ng Special Action Force.
Maging ang trust rating ni PNoy ay bumagsak sa 36 percent na lamang mula sa 56 percent noong nakaraang taon.
Isinagawa ng Pulse Asia ang survey sa 1,200 respondents mula Marso 1-7, matapos ang Mamasapano incident noong Enero 25.
Umaasa naman ang Palasyo na muling makakabangon sa ratings si Pangulong Aquino at hindi ito ang unang pagkakataon na bumaba ang ratings ng Pangulo.
Maging ang kaalyado ng Pangulo sa Senado na si Sen. Chiz Escudero ay naniniwala na tuluy-tuloy na ang pagbagsak ng ratings ni PNoy hangga’t hindi nito nabibigyan ng hustisya ang SAF 44 at makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
Pero para kay Rep. Edgar Erice, makakabawi pa din ang Pangulo sa ratings nito at huhupa na din ang usapin sa Mamasapano.